Higit 16.8 milyong estudyante na ang nakapagparehistro sa SY 2023-2024

Parents buy uniforms for their children at the Commonwealth Public Market on August 9, 2023 in preparation for the upcoming first day of classes.
STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nasa 16,816,221 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro na para sa School Year 2023-2024 para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29, 2023.

Ito ang iniulat kaha­pon ng Department of Education (DepEd) batay sa hu­ling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count hanggang nitong alas-10:15 ng umaga ng Agosto 21, 2023.

Anang DepEd, pina­kamarami ang nakapagpatalang estudyante sa Region IV-A na umabot sa 2,858,606, sumunod ang National Capital Region (NCR) na mayroon nang 2,220,470 enrollees at Region III na may 1,868,161 enrollees.

Sa Region VI ay nasa 1,435,047 na ang nagparehistrong mag-aaral habang sa Region VII ay mayroon nang 1,255,918 enrollees at ang Region V ay mayroong 1,033,543 enrollees.

Pinakamababa naman ang naitalang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 196,884 lamang.

Hinikayat ng DepEd ang mga magulang na ipa-enroll na ang kanilang mga anak upang matiyak na makapapasok ang mga ito sa eskwela ngayong nalalapit na pagbubukas ng klase.

Anang DepEd, ang mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala sa mga barangay, community learning center, o sa pinakamalapit na pampublikong paaralan.

Show comments