32K pulis ipapakalat sa school opening sa buong bansa
MANILA, Philippines — Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng nasa 32,000 mga pulis sa buong bansa para sa school opening sa Agosto 24 ng mga pampublikong paaralan at Agosto 29 sa mga private schools.
Ito ay upang masiguro na magiging ligtas ang mga estudyante, guro at maging ang mga magulang. Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, inaasahan ang mataas na bilang ng mga estudyanteng papasok kaya kailangan na mas maagap ang kapulisan sa pagbubukas ng klase.
Sa katunayan aniya, inihahanda na ang mga ilalagay na police assistance desks (PADS) sa mga paaralan bukod pa sa mga pulis na nagpapatrol sa palibot nito.
Naniniwala pa rin si Fajardo na malaking tulong ang police visibility upang maiwasan ang anumang krimen, panloloko at pananamantala sa mga baguhang estudyante, faculty members at mga magulang.
Magsisilbing look out ang mga nagpapatrolyang mga pulis laban sa drug traffickers, muggers, at mga street gang na posibleng makaimpluwensiya sa mga estudyante.
Apela ni Fajardo sa mga estudyante, guro at magulang tanging sa mga nakaunipormeng pulis at security guards lamang makipag-ugnayan sakaling may problema.
- Latest