Imbestigasyon sa paglubog ng bangka, ikinakasa sa Kamara

MANILA, Philippines — Isang kongresista na ang naghain ng isang resolusyon sa Kamara de Respresentates na humihiling na imbestigahan ang malagim na trahedya sa paglubog ng MB Aya Express sa Laguna Lake na kumitil sa buhay ng 27 katao habang anim pa ang nawawala noong nakalipas na Hulyo 27.

Sa House Resolution  (HR) No. 1159 na inihain ni 4th District Elpidio Barzaga Jr, hiniling nito sa kinauukulang komite ng Kamara na imbestigahan “in aid of legislation” ang trahedya at ipatawag ang mga kinauukulang ahensya upang silipin ang pagtugon ng mga ito sa pananalasa ng nasabing bagyo.

Kabilang sa ipatatawag ang mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Interior and Local Government (DILG), Binangonan LGU sa Rizal at iba pang ahensiya para mabatid kung nasaan ang pagkukulang at mapagbuti pa ang disaster response operations upang mapigilan ang mga kahalintulad na trahedya gayundin ang matinding epekto nito sa milyong mga Pilipino.

Ang MB Aya Express ay lumubog sa bahagi ng lawa ng Brgy. Kalinawan, Bina­ngonan, Rizal na nasasakupan ng Laguna Lake sa gitna na rin ng malakas na hangin at pag-ulan dulot ng pananalasa ng bagyong Egay.

Ayon kay Barzaga, chairman ng House Committee on Natural Resources ang imbestigasyon ay magpo-pokus para mabatid kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng PCG dahilan binigyan ng permiso para maglayag sa lawa sa kabila ng masamang lagay ng panahon.

Tinukoy ni Bargaza ang pahayag ng mga survivors na overloaded ang bangka dahil may mga karga pang mabibigat na cargo tulad ng mga motorsiklo, sako-sakong buhangin at bigas at nakalagay lang sa manifesto na tanging 22 pasahero at 3 crew ang sakay nito.

Show comments