Batang City Jail vs Bahala na Gang
MANILA, Philippines — Isa ang patay habang 9 pang preso o person deprived of liberty (PDL) ang sugatan sa pamamaril sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City nitong Martes ng gabi.
Gayunman, nilinaw agad ng Bureau of Correction (BuCor) sa inilabas nilang statement kahapon ng hapon na walang riot sa naganap na insidente, kundi alitan lamang ng dalawang preso na miyembro ng Batang City Jail at Bahala na Gang.
Sa inisyal na ulat na isinumite kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ni J/Senior Inspector Angelina Bautista (Ret.), Officer-in-Charge-Deputy Director for Operations at NBP superintendent, nagkaroon lamang ng iringan ang dalawang preso, dakong alas-9:00 ng gabi na nauwi sa karahasan.
Nabatid na unang naawat ang dalawang nag-aaway na preso subalit ang isang PDL na ‘di kasali sa away ay nagpaputok ng baril kaya nagkaroon ng panic at kaguluhan.
Matapos ang komosyon, isang Alvin Barba ang natuklasang patay dahil sa saksak ng icepick habang 9 ang sugatan na kinilalang sina Ampatuan Misuari, Emmanuel Carino, Makakna Iman, Marlon Cepe, Bernand Marfilla, Franklin Siquijor, Joner Moralde, Heron Supitran at Ardie Severa.
Iniimbestigahan naman ang PDL na si Joseph Serrano upang matukoy kung paano siya nagkaroon ng baril sa loob ng NBP habang nakapiit.
Nagsagawa na ng clearing operations ang SWAT team ng BuCor sa Quadrants 1, 2, 3 at 4 habang sinuspinde ang dalaw sa mga preso dahil sa insidente.