MANILA, Philippines — Sinibak na sa serbisyo ng pamunuan ng isang kilalang mall ang kanilang sekyu na nag-viral sa social media sa ginawa nitong paghagis sa isang tuta mula sa footbridge sa Quezon City na nagresulta sa pagkamatay nito.
Sa pahayag, sinabi ng pamunuan ng mall na nakikiramay sila sa grupo ng mga kabataan na nagmamay-ari ng tuta na inihagis mula sa Skywalk nitong Martes, Hulyo 11. Nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng mall sa security agency ng sekyu upang magkasa ng imbestigasyon sa insidente.
Muli namang iginiit ng management ng mall na sila ay isang pet-friendly establishment at kinokondena ang anumang karahasan laban sa mga hayop.
Magugunita na pinoste sa Facebook ng testigong si Janine Santos, na bago ang insidente ay pinapaalis ng guwardiya ang mga batang may-ari ng aso at nang tumanggi ang mga bata ay kinuha nito ang aso at itinapon mula sa overpass sa labas ng mall.