Mga memo ng MICP-CIIS chief walang ibinabasura

MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan kahapon ni Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Manila International Container Port (MICP), ang ulat na may nagaganap na sigalot sa pagitan niya at ni MICP District Collector Romeo Rosales.

Tinutukoy ni Enciso ang mga artikulong luma­bas kamakailan, kung saan napaulat na nagpadala umano si Enciso ng memo kay Rosales para inspeksiyunin ang ilang kuwestiyonableng container vans na puno ng imported items ngunit sinasabing hindi umano ito pinansin at sa halip ay pinunit pa ni Rosales.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Enciso at sinabing walang ganitong insidenteng naganap at ang lahat ng kanyang requests for inspection simula nang maupo sa tanggapan ang District Collector noong Hulyo 2020 ay inaprubahan nito.

Dagdag pa ni Enciso, naging matagumpay ang Bureau of Customs (BOC) sa mas pinaigting na anti-smuggling efforts nito dahil na rin sa close coordination sa pagitan ng MICP-CIIS at ng Collector’s Office sa ilalim ni District Collector Rosales.

Iniulat din ni Enciso na noong 2022, ang naturang koordinasyon ay nagresulta pa sa pagkakumpiska ng P21.655 bilyong halaga ng smuggled goods.

Aniya pa, kapwa ipinatutupad ng MICP-CIIS at ng District Collector’s Office ang mga Letters of Authority na inisyu ni Commissioner Bien Rubio, gayundin ang pagkakumpiska sa mga illegal drugs sa pamamagitan ng joint buy-bust operations, sa iba pang law enforcement agencies.

Show comments