MANILA, Philippines — Dalawang itinuturing na high value target (HVT) kabilang ang isang Lalamove rider ang naaresto matapos makuhanan ng mahigit P25 milyong halaga ng illegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Caloocan nitong Sabado ng madaling araw. Kinilala ni P/Col. Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan City Police ang mga nasakoteng suspect na sina Edgardo Vargas, 42-anyos, electrician ng Brgy. Dalnadanan, Valenzuela City at Lenard Buenaventura, 20 anyos, Lalamove rider ng Hiwas Street, Brgy. Longos, Malabon City.
Bandang alas-2 ng madaling araw nang masakote ang mga suspect sa West Service Road, Brgy. 160, Caloocan City.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng shabu; dalawang kulay berdeng Chinese teabag na may label na Quin Shan na may lamang tig-isang transparent plastic bag na may lamang tig-100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800 bawat isa.
Nakuha rin ang isang Ziplock plastic bag na may pitong transparent plastic bag na naglalaman ng 700 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4,760,000. Ang nakumpiskang droga mula sa mga suspect ay may kabuuang 3,800 gramo na nagkakahalaga ng P25,840,000. Samantalang isa ring cal. 32 pistol na kargado ng isang cal. 32 bala na may magazine at apat na piraso ng bala ang nakumpiska mula sa mga suspect gayundin ang isang Vivo cellphone at isang Yamaha Mio motorcycle na pinaghalong itim at rosas ang kulay.