Shuttle sumalpok sa puno: 4 todas, 2 kritikal
MANILA, Philippines — Patay ang apat katao habang dalawa ang kritikal matapos maaksidente ang isang shuttle van sa bahagi ng south national highway, Brgy. Sta. Lucia, lungsod ng Puerto Princesa City, Palawan, kahapon ng umaga.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Sa pahayag sa pulisya ng driver ng shuttle na si Joezer Lontes, 39, residente ng Brgy. Quinlogan, Quezon, Palawan, patungo sila sa Puerto Princesa City nang mangyari ang aksidente.
Tinatahak nila ang national highwy sa Brgy. Sta. Lucia nang sa pakurbang daan ay dumulas ang harapang bahagi ng sasakyan, alas-7:40 ng umaga.
Sinubukan ni Lontes na bawiin ang manibela subalit dumiretso na sila sa gilid ng kalsada bago sumalpok sa isang puno.
Nagresulta ito ng pagkasawi ng apat sa kanyang pasahero habang ginagamot sa ospital ang dalawang iba pa. Nabatid na 11 ang sakay ng nasabing shuttle.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng van na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and serious physical injury and damage to property.
- Latest