Ilang PNP officials na sangkot sa P6.7 bilyong shabu ‘cover-up’, ikinadismaya ni Romualdez
MANILA, Philippines — Ikinadismaya ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkakadawit ng pangalan ng dalawang heneral at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa umano’y “cover up” ng P6.7-B shabu noong 2022.
“Nakakalungkot na karamihan sa mga idinadawit ay mga miyembro pa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na siyang in-charge sa paghuli ng mga iligal na droga,” ayon sa lider ng Kongreso.
Anya, kailangang balasahin agad ang yunit dahil mismong mga opisyal nito ay sangkot daw sa cover-up ng nasabing drug seizure.
Una nang ibinunyag ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga pangalan ng mga opisyal at tauhan ng PNP, kabilang na ang hepe mismo ng PDEG na si Brig. Gen. Narciso Domingo na mariin namang itinanggi na may nangyaring cover-up dahil kasama raw talaga ito sa plano para mas marami pa silang mahuli, at alam umano ni Chief PNP Rodolfo Azurin.
“Dapat masusing imbestigahan ito ng DILG dahil hindi magandang tingnan na ‘yung nanghuhuli ng droga ay masasangkot pa sa umano’y pagtatakip ng kanilang mga nahuli?” ani Romualdez.
Idinagdag pa ni Romualdez na maganda rin marinig ang paliwanag ni Gen. Azurin.
- Latest