Comelec bumuo ng komite vs vote-buying

Aniya, magkakaroon na ng mga tao na tututok at mas magiging maayos ang koordinasyon sa law enforcement agencies para sa mga reklamo ng vote-buying/selling.
STAR / File

MANILA, Philippines — Isa nang “formal committee” ang binuong task force ng Commission on Elections (Comelec) laban sa vote buying at selling. Ito ang kinumpirma ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa Kapihan sa Manila Bay at sinabi na noon ay mayroong Task Force Kontra Bigay na nasimulan noong Eleksyon 2019 at itinuloy noong 2022. Pero aniya, permanente na ngayon ang komite na tinatawag nang Committee on Kontra Bigay na pinamumunuan ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr.

Aniya, magkakaroon na ng mga tao na tututok at mas magiging maayos ang koordinasyon sa law enforcement agencies para sa mga reklamo ng vote-buying/selling.

Sinabi ni Laudiangco na bagama’t may komite na laban sa vote-buying/selling, mabuti pa ring matingnan ng Kongreso at maamyendahan ang depenisyon ng bilihan o bentahan ng boto. Noong 2022 national at local elections, inilunsad ng Comelec ang Task Force Kontra Bigay upang maiwasan ang vote-buying sa panahon ng kampanya. Ang vote-buying at vote selling ay maikokon­sidera bilang election offense sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.

Show comments