MANILA, Philippines — Nagawang makatakas ang anim na Pinoy sa kanilang mga employers sa Laos makaraang piliting pagtrabahuhin ng ilegal ng isang sindikato.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na dumating sa bansa ang mga repatriated na Pinoy sakay ng Philippine Airlines flight PR741 nitong Abril 6 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Nabatid na na-recruit ang mga biktima upang magtrabaho bilang chat support agents sa Thailand. Mula Thailand, dinala sila sa Laos kung saan pinuwersa silang magtrabaho sa isang sindikato.
Ipinagtapat nila na pinuwersa sila na magtrabaho sa isang kumpanya bilang mga ‘love scammers’ na target ay mga Asyano.
Modus nila ang paghahanap ng kliyente na magi-inlove sa kanila at hihikayatin nila na mag-invest sa kanilang ‘pseudo company’.
Ikinuwento pa nila na tatlong beses na silang ibinibenta sa mga kumpanya bago sila makahingi ng tulong sa Philippine Embassy sa pamamagitan ng online communication.
“Imagine being sold like inanimate objects. These transnational crimes are becoming more and more alarming, and I call on everyone to remain vigilant,” saad pa ni Tansingco.