MANILA, Philippines — Sinalakay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga bodega at may-ari ng tindahan ng mga pekeng sigarilyo na nakakalat sa publiko sa rehiyon ng CALABARZON.
Sa Laguna, mahigit apat na malalaking kahon na naglalaman ng 400 boxes bawat isa na may tinatayang nagkakahalaga ng P100,000 ang nasabat sa Brgy. Bitin, Bay, kahapon ng umaga.
Ayon kay Dondanon Galera, BIR regional director ng Laguna, Quezon at Marinduque na apat na team na binubuo ng limang tauhan ng BIR ang binuo para magsagawa ng sabay-sabay na operasyon sa Los Baños, Bay, Pila at Victoria, lahat sa probinsya ng Laguna.
Ang operasyon ay nag-ugat sa mga naiulat na impormasyon at nabatid mula sa mga concerned citizen na maraming negosyante at may-ari ng tindahan ang nabigong magbayad ng labis na buwis sa mga sigarilyo at pekeng sigarilyo.
Sinabi ni Galera na mahigit isang bilyong piso ang nawala sa gobyerno na dinaya ng mga negosyante at indibidwal na may-ari ng tindahan na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na sigarilyo.
Kakasuhan ng criminal complaint batay sa Internal Revenue code ang kakaharapin ng mga indibidwal at negosyante kung mapatunayang sangkot sila sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na sigarilyo o sa kanilang pag-aari.