Oil smugglers sa Pinas pinangalanan sa senado

Sunod na pinangalanan nito ang mga sinasabing oil smugglers ng Batangas at Sariaya, Quezon na sina Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan.
STAR / File

MANILA, Philippines — Pinangalanan ni Senator Raffy Tulfo ang mga umano’y oil smugglers sa bansa sa gitna ng consultative meeting kaugnay sa estado ng implementasyon ng Fuel Marking Program ng Bureau of Internal Re­venue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

Diretsahang pinang­a­lanan ni Tulfo ang isang Don Rabonza na kilala umano sa Navotas na smuggler ng langis at ng asukal na galing Hong Kong.

Sunod na pinangalanan nito ang mga sinasabing oil smugglers ng Batangas at Sariaya, Quezon na sina Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan.

Tinanong din ni Tulfo ang Customs kung kilala sina Alex Cua, Bogs Violagu, Jong Mangundadatu at Dondon Alahas na nag-o-operate naman sa Mari­veles, Bataan.

Tugon ng ipinadalang kinatawan ng BOC na si Special Agent II Anthony Escandor na hindi niya kilala ang lahat ng mga binanggit na pangalan ni Tulfo.

Ayon kay Tulfo, daig pa ng mga nagtitinda ng mani at galunggong sa pier ang Customs dahil kilala ng mga ito ang mga nabanggit na pangalan.

Anya, nakakalungkot umano na tila hindi alam ng mga taga-Customs ang kanilang tungkulin na ha­bulin ang mga smugglers.

Dismayado rin ang senador na wala ni isang mataas na opisyal mula sa mga inimbitahang ahensya ang humarap sa consultative meeting kaya’t plano nito na magpatawag ng hiwalay na pagdinig kaugnay sa isyu ng oil smuggling o kaya ay hihilingin niya sa Senate Blue Ribbon Committee na siyasatin ito.

Show comments