MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Information and Technology (DICT), batay sa datos na mula sa National Telecommunications Commission (NTC) ay nasa 21,128,925 SIMs ang rehistrado na hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 16, 2023.
Kumakatawan anila ito sa 12.5% ng kabuuang 168,977,773 milyong subscribers nationwide.
Nabatid na sa naturang bilang, ang Smart Communications Inc. ang pinakamaraming nairehistrong SIM cards na nasa 10,386,685; sumunod ang Globe Telecom Inc. na may 8,963,101 at DITO Telecommunity na may 1,779,139 naman.
Ayon kay DICT Spokesperson Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo, sa ngayon ay nakikipagtulungan sila sa mga local government units (LGUs) at mga telecommunication companies (telcos) para sa pagpapatupad ng SIM registration sa mga remote areas.
Nagpaalala rin naman ang DICT na ang SIM registration ay dapat gawin lamang sa mga opisyal na channels, kabilang ang smart.com.ph/simreg or simreg.smart.com.ph para sa Smart; new.globe.com.ph/simreg para sa Globe at https://digital.dito.ph/pto/download/app para sa DITO.
Sakali naman anilang may reklamo, maaaring kumontak ang mga mobile users sa kanilang hotline na 1326.
Mayroon lamang 180 araw o mula Disyembre 27, 2022 hanggang Abril 26, 2023 ang mga mobile subscribers upang irehistro ang kanilang SIM cards upang makaiwas sa deactivation.