Presyo ng sibuyas, inaasahan na bababa sa P120/kilo sa Pebrero

A man buys onions at a market in Manila on January 11, 2023.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Sa kabila ng patuloy na pagsirit sa halaga ng sibuyas, inaasahan naman ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang posibleng pagbaba nito ng hanggang P120 kada kilo sa Pebrero.

Ayon kay SINAG pre­sident Rosendo So, bunsod na rin ito nang inaasahang pag-aani ng humigit-kumulang 20,000 metriko tonelada ng sibuyas ng mga lokal na magsasaka sa susunod na buwan.

Sinabi pa ni So na ang farm gate price ng sibuyas ay maaaring bumaba sa P80-P100 kada kilo at maaaring maipagbili naman ito ng P120-P150 kada kilo sa mga retail store pagkatapos ng ani.

Batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), sa kasalukuyan, ang presyo ng mga lokal na sibuyas ay nasa pagitan ng P400 at P600 kada kilo sa ilang wet markets.

Sinabi ni So na ang pagtaas ng presyo ay dulot ng hindi pag-aangkat ng gobyerno ng mga sibuyas noong nakaraang taon.

Ipinaliwanag naman ni Agriculture spokesperson Rex Estoperez na tumanggi silang mag-angkat ng sibuyas noon dahil maraming sibuyas ang nakukumpiska.

Sinabi ni Estoperez na inaasahan nilang dara­ting ang mga inangkat na sibuyas sa Enero 27.

Show comments