MANILA, Philippines — ‘Generally peaceful’ ang traditional na Simbang Gabi sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Maj. Gen. Jonnel Estomo, dahil walang anumang karahasan o gulo ang naitala sa loob ng pagsisimba ng siyam na araw.
Wala ring naitalang mga pag-aresto bunsod ng pag-iingat at pagbebenta ng paputok.
Kapansin-pansin rin ang maayos at debosyon ng mga Katoliko sa pagsisimba bilang paghahanda sa pagsilang ni Hesus.
Sinabi ni Estomo, ito ay bunsod ng dalawang taong walang face-to-face na Simbang Gabi dahil sa pandemya.
Dagdag pa ni Estomo, umaasa silang hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon ay magiging maayos ang mga pagdiriwang.
Sinabi naman ni NCRPO spokesperson Police Lt. Col Dexter Versola, malaking tulong sa pagpapanatili ng kaayusan ang pinakalat na mga pulis at forced multipliers sa lahat ng simbahan.
Samantala, 100 index crime lamang ang naitala mula Disyembre 16 hanggang 24, 2022 na mas mababa kumpara noong 2020 na 190 at 154 noong 2021.