MANILA, Philippines — Patay ang dalawang lalaking pinaniniwalaang nasa likod ng pagpapasabog sa Yellow Bus Line sa Tacurong City, noong 2018 matapos manlaban habang isinisilbi ang warrant of arrest.
Batay sa ulat, napatay ang dalawang suspek na si Aiman Mandi Ali alyas “Aiman Ali” at partner nito na si Hairon Akmad Martin noong Sabado ng umaga sa Purok Pinnen, Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.
Sinasabing ang dalawa ay kasapi ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group at pangunahing mga suspek sa pangbobomba sa Yellow Bus Line sa Tacurong City.
Batay ulat ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, alas-8:00 ng umaga ay isisilbi ng mga otoridad ang arrest warrant na ipinalabas ni Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court, 12th Judicial Region, Branch 19, Isulan, Sultan Kudarat sa mga kasong Comprehensive Dangerous Firearms and Ammunitions Regulations Act (RA 10591) at illegal gun running (RA 9516).
Pagdating sa lugar ng mga otoridad ay agad silang pinaputukan ng mga suspek kaya’t napilitang gumanti ng putok ang operatiba na kung saan ay tinamaan ang mga suspek sa kanilang katawan.
Base sa police records, sangkot din umano si Abu Aiman sa South Seas Bombing sa Cotabato City noong 2018 at kasama sa mga naging operasyon ng Daulah Islamiyah Abu Turaife at Salahudin Hassan Group sa Central Mindanao.