MANILA, Philippines — Dalawang negosyante ang naaresto ng mga otoridad at nasamsam sa kanila ang nasa P136 milyong halaga ng shabu nang salakayin ang isa umanong laboratory sa Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga naaresto na sina Aurelien Cythere, 41, ng No. 304 Mabolo St., Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City at Mark Anthony Sarayot, 42, nakatira sa 23 Cabbage St., Valley 5, Brgy. Ugong, Pasig City.
Ayon kay PDEA Assistant Secretary Gregorio Pimentel, alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon sa tahanan ni Cythere.
Lumalabas na nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na ginawang pagawaan ng shabu ang kanyang bahay kaya’t agad na ikinasa ang pagsalakay.
Nakumpiska ang 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P136 milyon iba’t’ ibang kagamitan sa paggawa ng shabu, mga identification card, 3 cellphone at financial documents.
Ang dalawa ay nakakulong na at kinasuhan ng paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.