97.5% ng public schools, balik na sa full face to face classes

Ito ang iniulat kahapon ni Department of Education (DepEd) spokesperson Atty. Michael Poa sa isang pulong balitaan na kung saan ang 2.36% ng mga public schools ay pinahintulutang magdaos ng blended learning kabilang ang mga apektado ng pananalasa ng bagyong Paeng.

MANILA, Philippines — Matagumpay nang na­kabalik sa limang araw na full face-to-face classes ang nasa 97.5% na mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ito ang iniulat kahapon ni Department of Education (DepEd) spokesperson Atty. Michael Poa sa isang pulong balitaan na kung saan ang 2.36% ng mga public schools ay pinahintulutang magdaos ng blended learning kabilang ang mga apektado ng pananalasa ng bagyong Paeng.

“Nakita naman po natin na naging maayos naman po ang pagre-resume natin ng classes. Wala naman tayong major incidents, although siyempre meron pa rin tayong affected schools dahil sa Typhoon Paeng,” paliwanag pa ni Poa.

Ani Poa, nasa 324 paaralan ang nagtamo ng infrastructure damage dahil kay Paeng at 435 paaralan naman ang ginagamit pa ring evacuation centers.

Matatandaang base sa kautusan ng DepEd, lahat ng pampublikong paaralan ay iminamandato nang magdaos ng limang araw na face-to-face classes simula noong Nobyembre 2.

Habang ang mga pribadong paaralan naman ay pinahintulutang mamili kung nais ng mga ito na magdaos ng limang araw na face-to-face classes, blended learning, o full distance learning.

Show comments