MANILA, Philippines — Nakumpirma ng pulisya ang inihayag ng self-confessed gunman Joel Escorial na sila ay binayaran ng P550,000 para patayin ang broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ito ang sinabi ni Southern Police District Director B/Gen. Kirby Kraft ang transaksyon na isiniwalat ni Escorial na tugma ang nakalagay sa passbook na may nakadepositong P550,000.
Batay sa kopya ng passbook ni Escorial, makikita ang limang deposito mula Sep. 15 hanggang Oct. 4, na may kabuuang P550,000, base sa mga pulis.
Sinabi ni Escorial sa kanyang extrajudicial confession na may isang “Jun Villamor” na nag-contact sa kanya noong Sept. 5 ukol sa assassination mission kapalit ng halagang P550,000.
“Sinurrender na ng ating gunman na si Joel ang kaniyang passbook kung saan meron nag-deposit ng P550,000 sa bank account bilang pagpatay kay Percy,” paglalahad ni Kraft.
Base sa extrajudicial confession ni Escorial, sinabi niya na tumawag si Villamor, isang preso sa New Bilibid Prison, noong Sept. 15 upang ipagbigay-alam sa kanya na idineposito na sa kanyang account ang down payment na P100,000.
Makikita sa passbook ni Escorial ang dalawang deposito noong araw na iyon, na tig-P50,000.
Ipinadala naman ang karagdagang P100,000 sa kanyang account noong Sept. 16, noong umano’y tiniktikan ni Escorial at kanyang mga kasabwat si Lapid.
Matapos ito, wala nang deposito hanggang noong Oktubre 4, isang araw matapos barilin si Mabasa sa Las Piñas City. Ipinadala ang P50,000 at P300,000 sa account ni Escorial, base sa mga pulis.
Iniulat din ng mga polisya ang paggalaw ng pera sa account kung saan sa loob ng magkakaibang araw ay may kumuha ng pera mula rito.
Ayon kay Kraft, aalamin pa nila kung sino ang depositor/s dahil protektado umano siya ng Bank Secrecy Law.
Iginiit pa ng opisyal na kinukuha nila ang CCTV footage mula sa mga bangko o ATM machines tupang matukoy kung si Escorial nga ang nagwi-withdraw ng pera.