MANILA, Philippines — Agad na sinuspinde ng Professional Regulation Commission (PRC) ang polisiya nila na “utang-tagging” na tinutukoy ang mga empleyado ng pamahalaan na may nakabinbin na kasong administratibo dahil sa pagkakautang na dahilan para hindi ma-renew ang kanilang PRC license.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma nitong Linggo na epektibo kaagad ang naturang kautusan. Ang PRC ay isang ‘attached-agency’ ng DOLE.
Sa pinirmahang Resolution No. 1558 ni PRC acting chairman Jose Cueto Jr. at commissioner Erwin Enad, tinugunan nito ang isyu ng ‘utang-tagging’ na pinalutang ni Alliance of Concerned Teachers Party-list Rep. France Castro nang dinggin ang budget ng DOLE.
Sa ilalim ng naturang polisiya, hindi maaaring maka-renew ng kanilang lisensya ang mga tauhan ng pamahalaan na may hindi nababayarang utang.
Sang-ayon si Laguesma na isang pahirap ito sa mga ‘professional’ sa pamahalaan na may mga nakabinbin na kasong administratibo.
“Paano nila mababayaran ang inutang nila kung hindi sila makakapagtrabaho dahil ayaw i-renew ng PRC ang kanilang lisensya?” saad ng kalihim.
Habang nakasuspinde ang polisiya, nakatakda naman umanong magsagawa ng konsultasyon, pag-aaral ang PRC ukol sa mas mabuti at patas na proseso ng pagdisiplina sa mga tauhan ng gobyerno na hindi marunong magbayad ng utang.