MANILA, Philippines — Kasalukuyang bineberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung kasama sa mga napatay ang mag-asawang sina CPP-NPA-NDF chairman Benito at Wilma Tiamzon nang sumabog ang motorboat nang maka-engkuwentro ang tropa ng pamahalaan sa Catbalogan, Samar kahapon ng madaling araw.
Ayon kay AFP chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, inaalam pa nila ang ulat sa 8th Infantry Division na pinamumunuan ni Maj. Gen. Edgardo de Leon na may hurisdiksiyon sa lugar.
Nabatid naman kay De Leon, nangyari ang sagupaan sa northern at tri-boundary ng Samar at Eastern Samar na ginagamit na lagusan ng mga NPAs, alas-4:25 ng madaling araw.
Namataan ng crew ng scout boats gamit ang night vision goggles (NVGs) ang kahina-hinalang motorboat.
Pinigilan ito ng mga military personnel, subalit tuloy pa rin sa pagtakas hanggang sa paputukan ang mga otoridad.
Dito na gumanti ng putok ang mga otoridad at posibleng may sakay na mga pampasabog ang motorboat ng mga terorista na naging dahilan ng pagsabog.
Base sa kanilang natanggap na report, may dalang mga kahon na NPA materials ang motorboat na kasama sa pagtakas.