Seguridad ng PNP kasado na 27.6 milyon estudyante, balik-eskwela ngayong araw
MANILA, Philippines — Magbabalik-eskwelahan na ngayong Lunes ang mahigit 27.6 milyon mga mag-aaral sa bansa matapos ang dalawang taon.
Sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2022-2023 na inilabas ng DepEd, nabatid na hanggang alas-7:00 ng umaga ng Agosto 20, 2022, nasa 27,691,191 na ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro na mga mag-aaral para sa darating na taong panuruan.
Katumbas ito ng 100.47% o higit sa bilang ng naitalang datos mula sa enrollment ng SY 2021-2022, na umabot lamang sa 27,560,661.
Mula sa nabanggit na kabuuang bilang, 23,561,764 ang mula sa enrollment quick counts habang 4,129,427 naman ang bilang ng mga mag-aaral na mula sa early registration.
Nabatid na pinakamarami na ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,899,077, na sinusundan ng Region III (Luzon) na nasa 2,974,068, at National Capital Region (NCR) na nasa 2,851,022.
Nagsimula ng magpakalat ng pulis sa iba’t ibang lugar sa mga paaralan at unibersidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pagsisimula ng face-to-face classes ngayon.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson PCol. Jean Fajardo, may mga police assistance desks sa harap ng mga eskuwelahan na aayuda sa mga estudyante, guro at mga magulang.
Maging ang mga mobile patrols ay nakakalat na rin sa paligid ng mga paaralan laban naman sa mga petty crimes tulad ng snatching.
- Latest