MANILA, Philippines — Sa kabila ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang “e-Sabong” sa bansa, may mga outfits pa rin ang patuloy na nagsasagawa umano ng ilegal na operasyon.
Bunsod nito, iniutos na ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) at sa mga Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng “crackdown” laban sa lahat ng illegal e-Sabong operations.
Ayon kay Interior Spokesperson Usec. Jonathan Malaya, binigyan ng direktiba ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang PNP Directorate for Operations, PNP Anti-Cybercrime Group at lahat ng PNP units sa buong bansa na lansagin ang illegal e-Sabong operations na iniulat na dumarami kasunod ng pagpapahinto ni Duterte sa naturang mga PAGCOR-licenced operators.
Sinabi ni Malaya na nakatanggap ang DILG ng mga ulat na may pitong outfits ang nag-o-operate ng walang prangkisa o lisensiya, na paglabag sa direktiba ng Pangulo. May kahalintulad aniya na direktiba ang inisyu sa mga LGUs upang ipatigil na ang mga e-Sabong operations sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Humingi na rin ang DILG ng tulong sa Anti-Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa naturang mga ilegal na aktibidad.
Umapela si Malaya sa publiko na huwag tangkilikin ang naturang illegal operations at sa halip ay kaagad itong isuplong sa mga kinauukulan.