14-days quarantine sa mga biyahero, ibalik
MANILA, Philippines — Hinikayat ng isang health expert ang pamahalaan na muling ibalik ang 14-na araw na ‘quarantine period’ para sa mga internasyunal na biyaherong pumapasok sa bansa kasunod ng pangamba sa bagong COVID-19 varinat na Omicron.
Ito ang sinabi ni Dr. Tony Leachon, dating tagapayo ng pamahalaan at dapat ding mag-ban ng mas maraming bansa ang Pilipinas na tukoy na nakitaan ng naturang variant para sa kaligtasan ng mga Pilipino.
“Dapat iyan repasuhin at ibalik sa mas mahigpit na quarantine kasi itong ganitong mga variant, nagi-increase ang transmission nito,” ayon kay Leachon sa panayam.
Sa kasalukuyan, ang mga biyahero mula sa bansa na nasa ‘yellow list’ at bakunado na kontra COVID-19 ay kailangang sumailalim na lamang sa tatlong araw na quarantine pagdating sa Pilipinas, kung may negatibo silang RT-PCR test may 72-oras bago ang kanilang biyahe.
Maaari na silang makalabas ng quarantine kapag nag-negatibo sila sa RT-PCR test sa ikatlong araw ng kanilang quarantine.
Sa mga walang negatibong RT-PCR test, kailangan nilang kumuha ng swab test sa ikalimang araw ng quarantine pagdating sa bansa at makakauwi pa lamang sa ika-10 araw ng kanilang quarantine kapag nag-negatibo sa test.
Ang mga biyahero na galing naman sa mga ‘green list’ na teritoryo ay hindi na kailangang sumailalim sa quarantine at on-arrival swab test kung makakapagpakita sila ng negatibong RT-PCR test na kinuha may 72 oras bago ang kanilang biyahe.
Sinabi pa ni Leachon na kailangang iprayoridad ang pagba-ban sa mga biyahero galing ng Hong Kong nang madiskubre ang Omicron variant sa naturang teritoryo. Kasalukuyang nasa ‘green list’ pa rin ng Pilipinas ang Hong Kong.
- Latest