‘Dolomite beach’ sa Baywalk binuksan na
MANILA, Philippines — Binuksan muli ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko ang tinaguriang ‘dolomite beach’ sa Baywalk sa Maynila kahapon ng umaga.
Subalit, limitado lamang ang kapasidad ng beach at nasa 120 katao lamang kada limang minuto ang pinapayagang mamasyal dito.
Limitado lamang ang oras nang pagbubukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon at mananatiling bukas ang dolomite beach sa publiko hanggang sa Martes, Hulyo 20.
Mahigpit din ang tagubilin ng mga otoridad na tumalima ang mga bisita sa health protocols, gaya nang pagsusuot ng face mask at face shield.
Nabatid na nagpuwesto sila ng magkaibang entrance at exit sa beach para hindi magsiksikan ang mga tao.
Naglagay rin sila ng mga karatulang nagsasabing bawal ang maglangoy, pagkain, paninigarilyo, pagkakalat ng basura at pagpulot ng buhangin sa beach.
Anang DENR, matapos ang tatlong araw na public viewing ay ia-assess nila kung bubuksan muli ang artipisyal na white beach. - Danilo Garcia
- Latest