MANILA, Philippines — Dalawang komunidad sa Cagayan ang binigyan ng livelihood training bilang tulong ng #BrigadaAyala ng Ayala Group para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo noong nakaraang taon.
Sa pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills and Livelihood Authority (TESDA), bumuo ang Ayala Foundation at AC Energy ng disaster resiliency livelihood program na naglalayong magbigay ng libreng training para sa 300 na inang pinadapa ng bagyong Ulysses.
Lilinangin ng programa ang cookery, baking, at pastry skills ng inisyal na 50 na ina mula sa bayan ng Lal-lo at Buguey, Cagayan at ang natitirang 250 naman ay isasailalim rin sa samu’t saring training hanggang matapos ang taon. Pangangasiwaan ng TESDA ang bawat training, sa ilalim ng kanilang Mobile Training Program sa mga bayan ng Amulung, Solana, Enrile, Baggao, at Alcala.
Isa ang Bagyong Ulysses sa mga pinakamapinsalang bagyo na dumating sa ating bansa, partikular sa Northern Luzon. Nagdulot ito ng mahigit P20.3 billion halaga ng pinsala dahil na rin sa malakas at walang tigil na pagbabaha, kung saan maraming gusali at kabahayan ang nalubog sa tubig.
Ani, Sec. Isidro Lapeña, Director General of Tesda, “Tesda is truly grateful to the entire Ayala group of companies as we work together to provide the needed assistance to calamity-affected communities and help them rebuild their lives through employment and livelihood opportunities.”