MANILA, Philippines — Mistulang inismol ng 1Sambayan, ang koalisyon ng oposisyon ang Duterte-Duterte tandem matapos na manguna sa Pulse Asia survey sina Davao City Mayor Sara Duterte sa presidential race at ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente sa mga potensyal na kandidato sa May 2022 national elections sa bansa.
Sinabi ni 1Sambayan Convenor ret. Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kung babalikan ang dating mga resulta ng maagang survey ay hindi nanalo sa eleksyon ang survey frontrunners dahil ang tunay na survey ay maaaring makita sa Marso o ilang buwan bago ang May 2022 election.
Anya, maliit na porsiyento lamang ang isinurvey at hindi ito ang kabuuang sentiyemento ng mga botante sa bansa at ‘mind conditioning‘ ang survey.
“Kung nais mong manguna ay sa mismong balwarte ng kandidato ito dapat isagawa,” pahayag ni Carpio.
Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, na hindi lamang political dynasty bagkus ay isang monarkiya na ang niluluto ng administrasyon sa Duterte-Duterte tandem.
Kinastigo rin ni Gaite ang pagpapalusot at pagpapaikot sa batas na ginagawa ng Hugpong Ng Pagbabago (HNP) ni Mayor Sara nang sabihin ng tagapagsalita nitong si Anthony del Rosario na hindi ‘political dynasty’ kahit pa mahalal na Pangulo at Bise Presidente ang mag-amang Duterte sa May 2022 election.
Una nang sinabi ni Atty. Howard Calleja, convenor ng 1Sambayanan na ibabasura ng mga Filipino ang Duterte-Duterte tandem sa 2022 presidential elections dahil malinaw na ito ay pag-iinsulto sa mga Filipino.