MANILA, Philippines — Walong kabataan na sangkot sa serye ng riot na nag-viral sa social media ang nasakote ng pulisya makaraang maaktuhang naghahagisan muli ng bato at molotov bomb sa Malabon City nitong Sabado ng madaling araw.
Sinabi ni Malabon Acting Police Chief P/Lt. Col. Aldrin Thompson, ipinag-utos niya kay Sub-Station-5 commander P/Lt. Zoilo Arquillo at TMRU (Traffic Management Regional Unit ) team sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Fatima Escueta na nagsagawa ng intensified patroling sa kahabaan ng Hasa-Hasa Street sa Brgy. Longos kung saan laganap ang riot ng mga kabataan na nangyayari sa madaling sa iba’t-ibang brgy sa Malabon dahilan lubhang delikado na pagmulan ng sunog ang pagbabatuhan ng molotov bomb.
Bandang alas-3 ng madaling araw, habang nagpapatrolya ang mga pulis sa pangunguna ni P/SSgt. Oliver Santiago, kasama ang mga tanod ng Brgy. Longos sa kanto ng Hasa-Hasa at Langary Streets, nang sumiklab muli ang riot sa pagitan ng mga kabataan na kabilang sa magkalabang gang sa lungsod.
Nagbabatuhan ng mga bato at molotov bombs ang magkalabang grupo na naging dahilan upang agad silang respondehan ng mga pulis at mga tanod.
Subalit, nang mapansin ng mga kabataan ang mga pulis ay mabilis silang nagpulasan sa magkakahiwalay na direksyon na naging dahilan upang habulin ng mga awtoridad. Nasukol ang walo na edad 13 hanggang 17 nang sapilitang pumasok sa bahay ni Wilson John Gilhang, 28 sa Block 14 Lot 40 Phase 2 Area 3 Brgy. Longos.