MANILA, Philippines — Mababang buwis na 1% lamang para sa mga pribadong paaralang kumikita, mula Hulyo 1, 2021 hanggang 2023 sa ilalim ng bagong batas na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Ito ang tiniyak ni House Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda nitong Miyerkules matapos mangako ang Bureau of Internal Revenue sa paglinaw at pagtugma sa mga probisyon kaugnay sa buwis ng ilang batas.
Sa ilalim ng CREATE, agarang ibinaba sa 25% mula 30% ang buwis ng mga korporasyon, at patuloy itong ibababa pa sa 20% sa 2030. Binawasan din nito sa 1% ang buwis sa mga pribadong paaralan.
Gayunman, sa ilalim ng BIR RR S.2921 ‘guidelines,’ tinataasan ang buwis ng naturang mga paaralan, kaya nagrereklamo ang ‘Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines’ (COCOPEA), ang samahan ng mga pribadong paaralan sa bansa na inaksyunan naman ni Salceda sa Kamara.