MANILA, Philippines — Matapos tumagas ang ammonia kung saan dalawa ang namatay ay maaaring pagmultahin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P100,000 ang may-ari ng planta ng yelo sa Navotas City.
“Kung sakaling lumabas na may paglabag sa standard natin sa occupational safety and health standard, nag-i-impose po ang DOLE ng administrative fine for noncompliance to standard that will result to grave injury or death,” saad ni engineer Noel Binag, executive director ng occupational safety and health center ng DOLE.
Pinayuhan din ni Binag ang iba pang planta na sumunod sa polisiya ng DOLE.
“Meron po silang (They should have) interventions or controls in place in case of emergency, ‘certified first-aider,’ occupational health facilities and medicines,” aniya.
Maliban sa dalawang nasawi, 90 iba pa ang nagkasakit dahil sa paglanghap ng ammonia.
Patuloy namang tatanggap ng suweldo ang mga tauhan ng planta sa kabila ng pansamantalang pagsasara nito.
Ayon pa sa DOLE, maaaring humiling ng ayuda sa Employees’ Compensation Commission ang mga manggagawang apektado ng insidente na may kinalaman sa trabaho.