MANILA, Philippines — Aabot sa P1.2 bilyon ang gagastusin ng Department of Education (DepEd) para mapalitan ang lahat ng learning modules ng mga mag-aaral na sinira ng pagbaha at bagyo na nanalasa sa bansa kamakailan.
Ang mga modules ay mga printed learning materials na ipinagkakaloob sa mga estudyante upang mapag-aralan at masagutan nila habang wala pang face-to-face classes sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“Mag-download tayo ng P1.2 billion para sa mga supplementary learning materials, palitan iyong mga nasisira at saka iyong para for the next quarter, mahanda na ito lahat,” ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, sa isang press briefing.
Nilinaw ni Briones, hindi nila pagbabayarin ang mga guro at mga mag-aaral sa mga nasirang modules.
Dagdag pa ng kalihim, ikinukonsidera na rin nilang bawasan ang paggamit ng printed modules dahil bukod sa mahal na ay hindi rin aniya environment-friendly.
Sa ngayon aniya ay naghahanap na sila ng ibang paraan nang pag-share ng learning process sa mga bata nang hindi masyadong gagamit ng printed modules.