P20 milyong puslit na ‘luxury’ vehicles nasabat ng BoC

MANILA, Philippines — Dahil na rin sa pagsusumikap ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ay nasabat ng Manila International Container Port (MICP) ang isang shipment na naglalaman ng mga puslit na secondhand luxury vehicles nitong Oktubre 20, 2020.

Ang naturang container van ay dumating sa bansa noong Oktubre 16, 2020 matapos na angkatin ng Blue Core Enterprises at unang idineklarang mga furnitures.

Subalit nang suriin ay naglalaman pala ng smuggled vehicles na kinabibilangan ng Porsche Sportscar, Bentley Luxury Car, Mercedes Benz Sportscar, at half-cut na Volkswagen, na tinatayang nagkakahalaga ng P20 milyon.

Kaagad namang nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si District Collector Romeo Allan R. Rosales laban sa mga behikulo habang ang mga importer nito ay iniimbestigahan na at maaaring maharap sa kasong paglabag sa Section 1400, in relation to Section 1113 ng Republic Act (RA) 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sinabi naman ni Collector Rosales na nana­natiling committed ang MICP para mapigilan ang illegal na pagpasok sa bansa ng mga naturang items.

Show comments