419 pamilya inilikas dahil kay ‘Ofel’

MANILA, Philippines — Umaabot sa 419 na pamilya mula sa 3 rehiyon sa Luzon na ki­nabibilangan ng Calabarzon, Mimaropa at Region 5 ang inilikas dahil sa hagupit ng bagyong Ofel.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, nasa 127 pamilya  ang inilikas mula sa 10 barangays sa Region 5 na matatagpuan sa mga landslide at flood-prone areas partikular sa mga lugar sa Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon.

Ang mga nagsilikas ay kasalukuyang nanunulu­yan sa mga evacuation centers.

Mabilis ding nailipat ang 134 pamilya sa Region 4A Calabarzon,  at kasalukuyang nasa 13 evacuation centers sa Lucena City; Quezon; Bauan, Batangas at Los Baños, Laguna.

Nasa 199 na mga katao ang stranded sa mga pier ng rehiyon, ilang spillway sa Lucena City ang hindi madaanan.

Patuloy naman ang clearing  operations sa mga lugar na binagsakan ng mga puno dahil sa ma­lakas na hangin sa bayan ng Quezon.

Sa MIMAROPA, 158 pamilya o katumbas ng 665 indibidwal ang napilitan ding lumikas sa kanilang mga bahay.

Ang mga lumikas ay mula sa bayan ng Puerto Galera, Bulalacao, Calapan at Baco na ngayon ay pansamantalang nanatili sa mga evacuation centers.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ofel para mabigyang ayuda ang mga apektadong pamilya.

Wala namang naitala na casualties sa nasabing rehiyon.

Show comments