‘No-El’ sa 2022 sinopla
MANILA, Philippines — Sinopla kahapon ni 1st District Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang ideya na ipagpaliban ang pagdaraos ng 2022 national elections sa bansa dahilan sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Fortun na ang pagdaraos ng national at local na elections sa bansa ay alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas hindi ng Comelec at maging ng Kongreso.
Magugunita na iminungkahi ni 2nd District Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo” sa Comelec na ikonsidera ang pagpapaliban ng 2022 national elections dahilan sa pandemya dahilan matatakot ang mga tao na magsiboto sa pangambang dapuan ng COVID.
Sinabi rin ni Senator Ping Lacson na labag Konstitusyon ang mungkahi ni Arroyo dahil magkakaroon ng krisis dahil maliwanag ang utos ng Konstitusyon na dapat ganapin ang eleksyon sa Presidente at Bise Presidente tuwing ikalawang Lunes ng Mayo, tuwing ika-anim na taon.
Kapag hindi naganap ang eleksyon ay palalawigin nito ang panunungkulan Ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Mga Senador at mga kongresista gayundin ang mga Mayor, Vice Mayor at mga konsehal.
Maging ang Commission on Elections (Comelec) ay hindi pabor sa hirit ni Arroyo at wala silang nakikitang matibay na dahilan para suspendihin ang eleksyon at talikuran ang kanilang mandato para sa pagsasagawa ng halalan.
Kasalukuyan na humihingi ang Comelec sa Kongreso ng P30 bilyon para sa paghahanda sa darating na halalan at upang mas epektibong maprotektahan ang mga botante laban sa virus. - Danilo Garcia, Gemma Garcia
- Latest