MANILA, Philippines — Kapag ganap nang naisabatas ang panukalang Media Workers Welfare Act, ipagbabawal na ang contractualization, mabibigyan ng buong proteksyon at maiaangat ang kondisyon ng mga mediaman o mamamahayag sa bansa sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ito ang binigyang diin ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran, may akda ng House Bill (HB) 2476 o ang Media Workers Welfare Act.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Taduran ang kaniyang mga kasamahang mambabatas sa mabilis na pag-aksyon sa pagpapasa sa inihain niyang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa ikaapat na estado.
“I am thankful to the immense support of House Committee on Labor and Employment Chairman Eric Pineda, Subcommittee Chairman Democrito Mendoza, House Speaker Allan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez and my co-authors at ACT-CIS, Congressman Eric Yap and Congresswoman Jocelyn Tulfo,” ani Taduran na nagsabing ang mabilis na pagpapasa sa nasabing panukalang batas ay nagbigay ng pag-asa sa lahat ng mga nagtatrabaho sa media.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ang lahat ng mga manggagawa sa media ay tatanggap ng sapat na suweldo na itinatadhana ng batas at magkakaroon ng security tenure, bibigyan ng hazard at overtime pay gayundin ang insurance at iba pang mga benepisyo.