Suweldo ng mga nurse taasan - Solons
MANILA, Philippines — “Bigyan ng mas magandang benepisyo at proteksyon ang mga nurse sa bansa.”
Ito ang isinusulong ngayon nina ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap; Davao City Rep. Paolo Duterte at DUMPER-PTDA partylist Rep. Claudine Diana Bautista nang ihain ang isang panukalang batas.
Iginiit nila ang pagtataas ng sweldo at pagtatakda ng minimum wage sa mga pribadong ospital ng mga nurse sa bansa na naiiwan na umano ng ibang mga karatig na bansa sa Southeast Asia.
“Ang mga nurse ang itinuturing nating mga bayani lalo na ngayong panahon ng pandemya. Sila ang humaharap sa mga pinakadelikadong sitwasyon, lalo na ngayong may problema tayo sa Covid-19. Pero sila rin ang may pinakamababang sahod, kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng sapat at karampatang benepisyo,” ayon kay Yap.
Sa kasalukuyan ang mga nurse sa bansa ay tumatanggap ng sahod na P19,000 hanggang P30, 000 lamang, di hamak na mas mababa sa mga sweldo ng ibang nurse sa mga karatig na bansa.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang lahat partikular ang mga pribadong ospital na mas taasan ang sahod at magtakda ng minimum wage sa mga nurse base sa mapapagkasunduan sa mga debate sa kongreso.
Bukod sa pagtaas sa sweldo, idinagdag din sa panukala na ibigay din ang mga nararapat na mga benepisyo sa mga nurse tulad ng overtime pay, leave allowance at iba pa.
- Latest