MANILA, Philippines — Dahil sa kinakaharap na kasong “graft”, inaresto ng mga mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio.
Nabatid na dinakip ng mga tauhan ng NBI-Technical Intelligence Division si Sabio sa kanyang bahay sa Quezon City nitong Hunyo 5 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Fourth Division ng Sandiganbayan kaugnay ng isa sa nakabinbin niyang kaso sa korte.
Nakasaad sa warrant na inaatasan ang mga law enforcement agency na: “Arrest the person of Camilo L. Sabio who may be found at 48-B Biak na Bato street, Sta. Mesa Heights, Quezon City and bring him before this Court to be dealt with as the law and Rules of Court direct”.
Nabatid na nahaharap sa ilang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Sandiganbayan ang 83-anyos na si Sabio na nagsilbi bilang Chairman ng PCGG mula 2005 hanggang 2010.
Matapos na isailalim sa “booking procedure” dinala rin sa Sandiganbayan si Sabio nitong Biyernes ng hapon ngunit dahil sa isinasailalim sa “sanitation” ang gusali ay ibinalik din siya sa NBI.
Nakatakdang iprisinta ng NBI sa Sandiganbayan si Sabio ngayong Lunes.