MANILA, Philippines — Sa oras na makadiskubre ng bakuna laban sa COVID-19 ay uunahin ng pamahalaan ang mga kabilang sa tinatawag na ‘vulnerable sector’.
Ito ang ipinahayag ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na ang kabilang sa mga ‘vulnerable groups’ ay ang mga ‘senior citizens’ at mga populasyon na may mga dati nang sakit.
Pero, agad nilinaw ng DOH na hindi ito nangangahulugan na hindi na pababakunahan ang mga sektor na hindi kabilang sa ‘vulnerable’.
Sa abo’t ng makakaya ng pondo ng pamahalaan, titiyakin umano nila na aabot ang bakuna sa lahat ng sektor ng lipunan at umaasa ang gobyerno na magkakaroon na ng bakuna sa Enero.
Habang wala pang bakuna, una nang umapela ang Malacañang sa publiko na alagaan ang kalusugan at palakasin ang katawan para hindi agad madapuan ng virus.