MANILA, Philippines — Dahil sa nagsisiksikan na ang mga ospital sa mga tao na persons under investigation (PUIs), persons under monitoring (PUMs) at maging mga pasyenteng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay naisipan ng Mandaluyong government na gawing quarantine facility ang kanilang paanakan o lying-in clinic.
Ito ang inihayag ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, nang buksan nila ang Mandaluyong Medical Center annex para sa mga COVID-19 patients dahil sa kawalan ng espasyo sa ospital at ang lugar na paanakan ay inilipat sa ibang bahagi ng gusali.
Aniya, nais nilang mas matutukan ng pansin ang mga PUIs at PUMs para sa agarang paggaling ng mga ito.
Tiniyak ng alkalde na nabibigyan ng masustansiyang pagkain ang mga PUIs at PUMs para masigurong malusog ang kanilang pangangatawan sa buong panahon ng kanilang quarantine upang mabilis ang paggaling.
Nabatid na hanggang nitong Marso 23, mayroon nang kabuuang 14 na positibong COVID-19 cases ang Mandaluyong Cit at nasa mahigit 400 ang kanilang PUIs at PUMs na bunga umano ng pinaigting na contact tracing ng mga city health officials at Department of Health (DOH) sa mga taong nakasalamuha ng mga taong nagpositibo sa COVID-19.