MANILA, Philippines — Bilang bahagi pa rin ng pag-iingat sa posibleng pagkalat ng 2019 coronavirus (COVID-19) ay pinagsusuot na ng facemasks ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga pari at iba pang ‘communion ministers’ tuwing magsasagawa ng komunyon sa banal na misa.
Nilagdaan nina CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles ang Circular No. 20-10 na naka-address sa mga Obispo at Diocesan Administrators bilang regulasyon ng Simbahang Katoliko kaugnay ng naturang virus. Inilabas ang kautusan nitong Marso 10.
Bukod dito, pinaalalahanan din ang mga ‘communion ministers’ na mag-sanitize ng kanilang mga kamay bago at pagkatapos magbigay ng komunyon.
Hindi naman inaalis ng CBCP ang patuloy na pagtanggap ng mga mananampalataya ng komunyon sa pamamagitan ng kanilang kamay. Hindi rin muna lalagyan ng “Holy Water” ang mga lalagyan sa simbahan habang ang mga kumpisalan ay pinalalagyan ng mga tela sa rehas o grills.