MANILA, Philippines — Labing-isang katao ang nasugatan matapos na sila ay suwagin ng isang sports utility vehicle habang nasa harap ng simbahan ng Baclaran, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Ang mga biktima na dinala sa San Juan De Dios Hospital ay kinilalang sina Leo Sabelano; Marilyn Lucero; Elizabeth Lidangco; Francis Blando; Rosemarie Hapson; Bryan Qualis; Divine Grace Lumang; Analyn Rupersado; Sepronio Gandill; Cherry Bee Blando; at Paldo Frances Padu.
Inaresto naman ang driver ng Toyota Fortuner (RPM-55) na si Allan Respecia, nasa hustong gulang at nakatira sa no. 1089 DF Yuseco St. Tondo, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-9:40 ng gabi sa harapan ng Gate 2 ng Baclaran Church sa Redemptorist Road, Barangay Baclaran ay kalalabas lamang ng ilang biktima matapos na dumalo sa misa habang ang ilan ay nagtitinda naman sa gilid ng simbahan nang bigla silang suwagin ng nabanggit na SUV na minamaneho ni Respecia.
Nabangga rin ng SUV ang mga nakaparadang sasakyan kabilang ang apat na motorsiklo, isang electric bike at tatlong kariton ng mga vendors na nagtitinda sa lugar kahit na mahigpit na ipinagbabawal.
Iginiit ni Respecia na nawalan umano siya ng kontrol sa preno ng sasakyan kaya nabundol ang mga biktima.