MANILA, Philippines — Isiniwalat kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Brig.Gen. Joel Coronel na pinatulog muna gamit ang ativan sina dating 2nd District Batangas Rep. Edgar Mendoza Sr., kanyang bodyguard at driver bago pinagpapalo ng dos por dos sa ulo, pinagsasaksak at sinunog sa loob ng kanilang kotse sa Tiaong, Quezon noong Enero 9.
Idinagdag pa ni Coronel na lutas na ang kaso matapos matukoy na ang dalawang convicted inmates na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) ang mastermind sa pagpatay.
Kinilala ni Coronel ang dalawang NBP detainees na sina Sherwin Sanchez, isang convicted murderer at Arthur Fajardo, convicted na lider ng notoryus na Fajardo kidnap-for-ransom (KFR) gang.
Nabulgar ito matapos ikanta ng 4 nasakoteng sina Kristine Fernandez, assistant ni Jael Fajardo, misis ni Arthur; Madonna Palermo, kasambahay ni Jael; Carlo Acuna; Erickson Balbastro at Rodel Mercado, pinsan ni Sanchez na nakatakas.
Bago natagpuang patay sina Mendoza kasama ang driver nitong si Nicanor Mendoza at bodyguard na si Ruel Ruiz ay nagtungo ito sa bahay ni Fajardo sa Block 14, Lot 21, Villa La Prinza Subdivision, Brgy. Prinza, Calamba City upang singilin ang maybahay nito sa kaniyang serbisyo na umabot ng milyong halaga .
Nabatid na si Sanchez, na siyang utak ng pagpatay kay Mendoza na nagsilbing legal counsel sa kasong murder ay na-convict noong 2015 bagay na ikinagalit ng una kaya plinano ang pagpatay sa dating solon katuwang si Fajardo.
Nabatid pa na si Mendoza ang humahawak sa maraming kaso ni Sanchez kabilang ang mga pinansyal na transaksyon at mga lupang ari-arian nito at sa halip na magbayad ay nagpatulong ang huli kay Fajardo na naging kaibigan sa loob ng NBP noong 2015 upang tulungan isagawa ang planong pagpatay sa una sa halagang P 100,000.
Nang magtungo si Mendoza kasama ang driver at bodyguard sa bahay ni Jael ay dito na nilagyan ng hinihinalang ativan nina Fernandez at Palermo ang kape na inialok kina Mendoza.
Nang makatulog ang tatlo ay saka sinundo ni Acuna sina Balbastro at Mercado sa isang convenience store kung saan pinagtulungang buhatin ang mga biktima sa behikulo at dito pinaghahampas ng kahoy sa ulo saka pinagsasaksak.
Natukoy din na si Balbastro ang nagmaneho ng behikulo sakay sa likuran ang bangkay ng tatlo kung saan bumili pa ang mga ito ng gasolina saka sinunog ang behikulo sa San Francisco Bridge, Tiaong, Quezon.
Sa limang suspect ay pinaghahanap pa si Mercado habang ang apat ay kinasuhan na ng tatlong counts of murder.