MANILA, Philippines — Sinagip ni Nueva Ecija, Palayan City Mayor Rianne Cuevas ang isang Pinay worker na hindi pinasusuweldo at minamaltrato ng kanyang among Kuwait.
Nabatid na noong Disyembre ay lumapit at humingi ng tulong sa alkalde ang pamilya ng OFW na si Maricar Nievera, dahil minamaltrato at hindi pinapasuweldo ng kanyang amo at nagpapasaklolo na tulungan na makauwi na ito sa kanilang probinsiya sa Palayan City.
Agad namang umaksiyon si Mayor Cuevas at inatasan nito ang kanyang Public Employment Service Office (PESO) na gawin ang lahat ng paraan para matulungan si Nievera upang hindi matulad sa sinapit ni Jeanelyn Villavende na pinatay ng kanyang amo.
Nakipag-ugnayan si Mayor Cuevas sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) at ipinarating ang kalagayan ni Nievera na hindi na pinapasuweldo ay hindi pa pinapatulog at hindi pinapatigil sa trabaho hanggang sa magkasakit na ito.
Umaksiyon ang POEA at OWWA kaya nailigtas si Nievera sa kanyang amo pero hindi agad napauwi sa bansa dahil walang gustong sumagot sa pamasahe nito.
Nang si Mayor Cuevas na ang sasagot ng pamasahe para makauwi agad ng bansa ay napwersa din ng POEA at ang agency nito na sagutin na lang ang pamasahe ni Nievera pabalik ng Pinas.
Pagkatapos ng tatlong Linggo ay nakauwi na noong Biyernes sa kanilang bahay sa Nueva Ecija si Nievera at pinangakuan ni Mayor Cuevas ng pangkabuhayan ang pamilya nito upang makapagsimula ng negosyo.