MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang mister habang nasa kritikal na kalagayan ang isang 17-anyos na binatilyo nang magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa national highway ng Brgy. Ziminila, Camalaniugan, Cagayan kamakalawa.
Ang nasawi ay kinilalang si Romeo San Juan, habang nasa kritikal ang 17-anyos na si Mark Jordan Costales.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng gabi ay mabilis na binabagtas ni San Juan ang kanyang motorsiklo sa nasabing highway nang agawin umano nito ang kabilang linya kaya’t nasalpok siya ng kasalubong na minamanehong motorsiklo ni Costales.
Kapwa tumilapon at nagpagulong-gulong sa kalsada ang dalawa na isinugod ng mga sumaklolo sa hospital, subalit hindi na nakaabot ng buhay si San Juan.