MANILA, Philippines — Tatlumput limang magsasaka sa Palayan City, Nueva Ecija ang nakatanggap ng maagang pamasko nang sila ay bigyan ng bago at kongkretong bahay.
Nabatid na ang 30 sa mga bahay ay personal na kaloob ng pamilya ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas at ang iba ay ipinagawa ng Local Goverment Units (LGU), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang foundation.
Sa kasalukuyan ay mahigit sa 100 bahay pa ang kasalukuyan ginagawa at inaasahang maipapamigay sa unang quarter ng 2020.
Sinabi ni Mayor Cuevas, nais nilang matulungan ang mga magsasaka na hirap sa mga panahong ito dahil bagsak ang presyo ng palay sa merkado.
“Inuna po naming binigyan ng bahay ang mga magsasaka na walang maayos na tirahan. Tuluy-tuloy po ang programang ito na ang layunin naming taga-Palayan ay mabigyan at makatulong sa mga walang maayos na tirahan sa aming lugar” sabi ni Mayor Cuevas.
Ang mga bahay na ipinamigay ay gawa sa semento, tabla at yero na may maayos na kusina, banyo at labahan.
Lubos ang pasasalamat naman ng mga magsasakang nabiyayaan ng bagong bahay at sinabing ito na ang kanilang pinakamasayang Pasko dahil sa natanggap na regalo mula kay Mayor Cuevas.