MANILA, Philippines — Umabot na sa Mindanao ang isinasagawang nationwide roll-out ng Fuel Marking Program ng pamahalaan, sa pagsisimula ng marking ng may 60 milyong litro ng diesel fuel sa Northern Mindanao Import Facility (NMIF) na minamantine ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation, sa Cagayan de Oro noong Linggo, Nobyembre 24.
Ang naturang marking, na unang isinagawa ng Pilipinas Shell, ay sinaksihan ng mga opisyal ng Bureau of Customs at mga kinatawan mula sa project contractor na SGS-SICPA.
Sinundan naman ito ng preliminary inspection sa Davao terminals ng Phoenix Petroleum at Insular Oil ng Department of Finance, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, at Department of Budget and Management.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o ang TRAIN Law, ang mga petroleum products na refined, manufactured, o inangkat ng Pilipinas, ngunit hindi limitado sa unleaded premium gasoline, kerosene, at diesel fuel ay kinakailangang lagyan ng official marking agent matapos na makapagbayad ng taxes and duties.