Naagaw ng nakaalitang mag-aama… tserman todas sa sariling boga

Ang nasawing biktima ay si Chairman Mariano Tabanda, 53-anyos ng Brgy. Bulo ng nasabing bayan.
File

MANILA, Philippines — Isang barangay chairman ang todas sa sarili niyang boga matapos itong maagaw ng kanyang nakaalitan na mag-aama sa daan at saka siya pinagbabaril habang pauwi sa isang laklakan naganap sa Brgy. Gagaddangan, Allacapan, Cagayan noong Biyernes.

Ang nasawing biktima ay si Chairman Mariano Tabanda, 53-anyos ng Brgy. Bulo ng nasabing bayan.

Lumilitaw sa imbes­tigasyon na dakong alas-8:30 ng gabi nang sitahin ni Tabanda sina Virgilio Trinidad, 50, mga anak niyang sina Junjun, 35 at Edison 32 na noon ay na­ngunguryente ng pesteng igat sa kanilang palayan.

Nauwi sa matinding pagtatalo ng nakatatandang Trinidad at ng opis­yal ang paninita ng huli bagamat sa pamumuksa ng peste sa palayan ang kanilang ginagawa at hindi naman niya ito teritoryo.

Nabatid na napikon at inilabas ni Tabanda ang boga nitong Cal. 40 na itinutok sa ulo ni  Edison saka ipinutok subalit sa kanang braso tinamaan ang huli dahil sa sobrang kalasingan ng opisyal.

Ayon sa report, nakipambuno kay Tabanda si Junjun saka inubos ang laman ng magazine ng boga sa pagratrat sa kapitan, na agad niyang ikinamatay.

Inaresto ng mga nagrespondeng pulis ang nakatatandang Trinidad at si Junjun habang isinugod sa pagamutan si Edison.

Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang lisensiyadong cal.40 pistol ni Tabanda at pitong basyo ng balang bumistay sa kanyang buhay.

Show comments