‘Commute challenge’ tuwing Lunes sa public officials, isinusulong
MANILA, Philippines — Upang maibsan ang patuloy na paglala ng lagay ng trapiko, isinusulong ng isang kongresista ang isang panukalang batas na mag-oobliga sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na mag-commute isang beses sa isang linggo o tuwing araw ng Lunes.
Sinabi ni Iligan City Rep. Frederick Siao, maghahain siya ng panukalang batas na magbibigay ng mandato sa mga halal na opisyal, miyembro ng gabinete at mga Division Chiefs na gamitin ang public transportation tuwing Lunes.
“When taking public transport, public officials will be reminded weekly of the suffering the masses endure on a consistent basis,” pahayag ni Siao sa isang press statement.
Binigyang diin ni Siao na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang malalang daloy ng trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila. Iginiit din niya na dapat ay huwag nang ilabas ng mga opisyal ng gobyerno at ng iba pang mga public servants ang kanilang mga behikulo.
Una rito, nitong Biyernes ay sumabak sa ‘commute challenge’ si Presidential Spokesman Salvador Panelo na nag-commute ng mahigit tatlong oras mula Marikina City patungo sa kanyang tanggapan sa Malacañang.
- Latest