MANILA, Philippines — Dahil umano sa pagsisinungaling ay pinatawan ng contempt ng Senate commmitees on Justice and human rights at Blue Ribbon si Major Rodney Raymundo Baloyo IV, isa sa 13 “ninja cops” na sangkot sa kuwestiyunableng drug buy bust operation sa Pampanga noong 2013.
Isinulong ni Senator Panfilo Lacson ang pag-contempt kay Baloyo na sinugundahan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Kumbinsido ang mga senador na nagsisinungaling si Baloyo na namuno sa nangyaring operasyon sa Woodridge Subdivision, Lakeshore View, Pampanga noong Nobyembre 29, 2013.
Bago ang contempt ay nagbabala si Drilon na maaring makulong si Baloyo sa Pasay City Jail hanggang matapos ang 18th Congress sa 2022.
Subalit, nagdesisyon si Sen. Richard Gordon na huwag sa Pasay City Jail, ikulong si Baloyo kundi sa New Bilibid Prison.
Hindi umano tugma ang mga naging pahayag ni Baloyo sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinamumunuan nina Brig. General Albert Ignatius Ferro at Region 3 police chief Brig. General Rudy Lacadin.